Inilunsad ngayong araw (Miyerkules) ang isang energy organization na layong bigyan ng malakas na boses ang mga konsyumer sa mga usapin ng kuryente sa harap ng lumalalang power crisis sa bansa.
Sa pangunguna ng youth convenor nito na si Francine Pradez, inilunsad ang ILAW sa isang press conference kung saan nagbahagi rin ng kanilang hinaing ang mga konsyumer mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, tulad ng Batangas at Palawan.
“Nais ng ILAW na maging plataporma para magkaroon ng boses ang mga konsyumer, anuman ang kanilang edad, upang maisulong ang pagbabago na kanilang minimithi para sa Pilipinas at maging isang brave at safe space para mahikayat ang iba pang Pilipino na magsikap tungo sa patas, abot-kaya, at abot-kamay na serbisyo sa kuryente,” wika ni Pradez.
Aniya, ang Pilipinas ay sinalanta ng maraming isyu sa kuryente nitong mga nakalipas na buwan na nakaapekto sa pamumuhay, negosyo, at maging pag-aaral ng mamamayang Pilipino.
Mahigit 4.5 milyong tao sa Panay at Guimaras ang naapektuhan ng malawakang Panay Island blackout noong Enero 2, na nagresulta sa pagkalugi ng P3.7 bilyon sa lokal na ekonomiya ng lalawigan ng Iloilo.
Ibinahagi ni Dr. Tony Cabrestante, Lead Convenor ng Palawan Consumer Coalition, na naghirap ang kanyang mga kababayan dahil sa di maaasahang supply ng kuryente na lubhang nakakaapekto sa mga negosyo, kabahayan at serbisyong pangkalusugan sa kanilang lugar. Mula sa 14 pesos per kwh noong Disyembre, tataas sa 17 pesos ang singil sa kuryente sa lalawigan ngayong taon.
Hindi na rin natapos ang perwisyong hatid ng sunod-sunod na brownout sa mga kabayhayan at maging maliliit at malalaking negosyo sa Batangas. Ayon kay Arven Bravo, Batangas Convenor, ang paulit ulit na pagkawala ng kuryente ay nagdudulot ng pagkaantala at pagbagal ng kanilang trabaho at negosyo. “Sa madalas na walang ilaw, may mga establisimyentong napipilitang magsara dahil walang generator o hindi sapat ang generator power. Nakakalungkot dahil kung ang maliliit na businesses ramdam ito, ano pa ang mga malalaking kumpanya?”
“Our plight is exacerbated by various factors tulad ng tuwing babagyo, magka yellow grid man ang Luzon. Panawagan namin ang maayos na power infrastructure upang mapagtibay ang kahandaan natin tuwing may problema sa kuryente,” dagdag niya.
Nagpasalamat si Dr. Cabrestante at mga kasamahan sa Batangas sa suporta ng ILAW sa kanilang laban para sa abot-kaya at abot-kamay na kuryente para sa kanilang komunidad.
“Kami ay nagpapasalamat sa ILAW bilang isang power consumer grassroots organization dahil sa dedikasyon nilang simulan ang laban nito para sa ikagiginhawa ng ating mga kababayan, lalo na rito sa Palawan at Puerto Princesa City na naghihirap dahil sa napakamahal na kuryente,” wika ni Dr. Cabrestante.
“ILAW is a chance for our voices to be heard, and ILAW calls for better information for all Filipino consumers, and outright action from our stakeholders,” sabi naman ni Bravo.
”The time for action is now,” wika ni Pradez. “Ngayon na ang perpektong panahon upang pag-usapan ang mga isyung ito bilang isang grassroots organization na mula, para, at kasama ang mga konsyumer lalo na ang pagtaguyod sa kanilang kapakanan at ang pagbigay panatag sa kanilang loob mula sa mga alalahanin.”
Liked this post? Follow SwirlingOverCoffee on Facebook, YouTube, and Instagram.